Kabilang sa mga napatay ay nakilalang sina Honorio Simbulan, alyas Nori/Pink, lider ng Shotgun Gang; kanang kamay na si Jayson "Arnel" Ramos, alyas Commander Marlyn na kapwa residente ng Sitio Duyong, Barangay Concepcion, San Simon, Pampanga; Lovidino Gonzales, Renato Balajadia y Dungo ng Barangay San Roque; Florentino Mallari Jr. ng Barangay Bagong Nayon; at Daniel Piosca y Buenaventura ng Barangay Tangos.
Sa ulat ni Supt. Jolly Dizon, hepe ng pulisya ng bayang nabanggit, hinoldap muna ng grupo ang isang piggery malapit sa boundery ng Candaba at Baliuag, Bulacan bandang alas-5 ng hapon noong Martes.
Agad namang pinakalat ni Dizon, ang tracker team sa pamumuno ni Police Inspector Florencio Morales hanggang sa namataan ng grupo ni Morales ang tatlong motorsiklong nakaparada sa harap ng Jeannette Videoke Bar sa Barangay Bagong Nayon sa bayan ng Baliuag.
Tinangkang pasukin ng mga pulis ang videoke bar, subalit sinalubong sila ng mga putok ng baril hanggang maganap ang madugong bakbakan na ikinasawi ng anim.
Sa record ng pulisya, sina Simbulan at Jayson Ramos na anak ni Bienvenido Ramos, alias Kumander Bata, ay dating kasapi ng Hukbong Magpapalaya sa Bayan (HMB).
Ang mga napatay na holdaper ay suspek sa serye ng sunud-sunod na nakawan sa bayan ng Baliuag sa nakaraang dalawang linggo.
Kinilala din ng pulisya si Ramos, na suspek sa pagbaril at pagkasugat ng isang parak na nakatalaga sa bayan ng Meycauayan, Bulacan noong Linggo.
Nakarekober ang pulisya ng isang granada, isang kalibre 38 revolver, isang 9mm pistola, 67 na basyo ng ibat ibang kalibre ng baril at tatlong motorsiklong walang plaka. (Dino Balabo at Joy Cantos)