Unang kinarit ni kamatayan ang bunsong anak ng mag-asawa, sumunod ang panganay, sunod ang pangalawa at sinundan ng haligi ng kanilang tahanan na si Tatay Molo. Ang kanilang kamatayan ay pawang hindi pangkaraniwan na maituturing na phenomenal.
Nabatid na ang bunso ay may lumabas na uod sa tainga habang naghihingalo, ang panganay naman ay binangungot, ang pangalawa ay kinagat ng bubuyog habang natutulog at si Tatay Molo naman ay namatay habang inooperahan ang apendiks na ang laman pala ay kapirasong tela ng damit na positibong pag-aari ng pinaslang nito na si Mang Olympio.
Lahat ng mga mahal sa buhay ni Nanay Lucing ay sinaklob ng misteryo, kaya walang nangahas na bumisita at makitira sa kanyang bahay.
Sa ngayon, mag-isa si Nanay Lucing na namumuhay kapiling ang mga alagang manok at limang mababagsik na aso sa kanyang munting dampa.
Limamput anim na taon na ang nakalipas, subalit patuloy pa ring dala-dala sa isipan at konsensiya ni Nanay Lucing ang mga ugat nang paghihiganti ng dating kasintahan na kung tawagin ay "kamandag ng kulam."