HAGONOY, Bulacan Nalalagay sa balag ng alanganing bumagsak sa kalaboso ang isang barangay captain makaraang mabaril at mapatay ang kanyang kapitbahay na inakusahang namboso sa bahay ng una sa Barangay San Nicolas, Hagonoy, Bulacan, kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang biktimang traysikel drayber na si Rommel Panganiban, 30, ng nabanggit na barangay. Ang suspek na kasalukuyang nakalalaya ay nakilalang si Arturo Panganiban, 53, barangay captain ng nasabing barangay. Ayon sa pulisya, nag-iinuman ang biktima kasama ang mga kamag-anak sa harap ng kanilang bahay nang lapitan ng suspek na may hawak na baril. Napag-alamang nagkaroon ng komprontasyon ang dalawa hanggang sa maganap ang pamamaslang. Sa impormasyong nakalap ng pulisya, nag-ugat ang krimen dahil sa basurang ikinalat sa kalsada kaya nagalit ang suspek sa biktima.
(Dino Balabo) 2 biktima ng salvage natagpuan |
CAVITE Dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na holdaper ang pinaslang ng vigilante group sa magkahiwalay na barangay sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kamakalawa. Ang dalawa na kapwa pinahirapan saka iginapos ang mga kamay at paa ay may nakasabit na karatulang nagsasabing mga holdaper kami. Ayon sa pulisya, natagpuan ang unang bangkay na may tattoong gagamba sa liblib na bahagi ng Barangay Langkaan 1. Nadiskubre naman ang ikalawang bangkay sa Barangay San Agustin 3. Hindi naman matiyak ng pulisya kung ang dalawang pinaslang ay nasa listahan ng mga kriminal.
(Cristina Timbang) GENERAL LUNA, Quezon Halos maputol ang leeg ng isang 30-anyos na magsasaka matapos na ito ay pagtatagain ng kanyang hinamon sa away na kapitbahay sa Sitio Ugatan, Barangay Bacong Ibaba sa bayan ng General Luna, kamakalawa ng gabi. Patay agad sa pinangyarihan ng krimen ang biktimang si Celso Ramento Jr., habang boluntaryo namang sumuko sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Joel Pilar, 24. Sa imbestigasyon ni SPO1 Lutgarda Canela, dakong alas-11 ng gabi nang magtungo sa harapan ng bahay ng suspek ang biktimang senglot at naghahamon ng away. Nang lumabas ang suspek ay kaagad itong inundayan ng saksak, subalit nakailag at muling pumasok sa kanyang bahay. Paglabas ng suspek na may hawak na itak ay sinugod ang biktima bago pinagtataga hanggang sa mapatay.
(Tony Sandoval)