Obrerong sinibak, nagbigti

CAMP CRAME Pinaniniwalaang dinamdam ng isang 36-anyos na obrero ang pagkakasibak nito sa trabaho kaya nagdesisyong magbigti sa kanilang bahay sa Purok 2, Barangay Kasibak, Panabo City, Davao del Norte, kamakalawa. Ang bangkay na nakabitin na nadiskubre ay nakilalang si Leon Resumadero na namamasukan sa banana plantation sa Panabo City. Ayon sa pulisya, huling namataang buhay ang biktima na nakikipag-inuman ng alak sa kanyang mga kaibigan bago umuwi at magdesisyong mag-suicide. (Joy Cantos)
Ambush: Opisyal ng Casecnan dedo
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Tinambangan at napatay ang isang 37-anyos na opisyal ng Casecnan Multi-purpose Dam ng dalawang maskaradong lalaki habang ang biktima ay lulan ng Isuzu Hi-Lander sa tapat ng Aduas North Elementary School sa Barangay Aduas, Cabanatuan City, Nueva Ecija, kamakalawa ng umaga. Anim na bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Arsenio Tomas II ng bayan ng Guimba, Nueva Ecija at administration officer ng Casecnan Dam. Ayon kay P/Supt. Eliseo Cruz, hepe ng pulisya sa Cabanatuan City, nagmamaneho ng Isuzu Hi-Lander (CPL-588) ang biktima nang dikitan at pagbabarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo. (Christian Ryan Sta. Ana)
Pulis, 1 pa todas sa road mishap
CAMP CRAME – Dalawa-katao kabilang ang isang pulis ang iniulat na nasawi habang isa pa ang nasugatan makaraang mahulog sa kanal at sumalpok sa pader ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Ilihan,Tabogan, Cebu kamakalawa. Dead-on-the-spot sa insidente ang mga biktimang sina PO1 Joseph Cogal, ng Headquarters Support Group sa Regional Mobile Group (RMG) 7 sa Barangay Bahay, Sogod, Cebu at Alexander Tudlayan. Ginagamot naman sa Juan Dacado Memorial Hospital ang sugatang si Alison Ramos. Wala namang iniulat na nadamay na ari-arian maliban sa motorsiklong Kawasaki na may plakang GM8448. (Joy Cantos)

Show comments