Base ulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), matinding nasalanta ng landslide ang bayan ng Kapatagan sa Lanao del Norte at kalapit barangay malapit sa Pagadian City, Zamboanga del Sur na sumasakop sa may sampung kilometrong coastal highway sa pagitan ng dalawang nabanggit na lugar.
Ayon kay Police Regional Commander P/Chief Supt. Florante Baguio, ang anim na nasawi ay natabunan nang gumuhong lupa sa munisipalidad ng Kapatagan.
Samantala, anim katao ang nasawi habang limang iba pa ang nawawala at pinangangambahang patay na dahil sa masungit na panahon at nakaapekto sa mga residente sa Pagadian City at karatig baybaying barangay sa Zamboanga Peninsula Region.
Kabilang sa mga inulat na nasawi ay ang apat na miyembro ng pamilya na natabunan ng putik sa Barangay Binawing, Sibuco, Zamboanga del Norte.
Iniulat rin na isang 17-anyos na tinedyer ang nagilitan ng leeg matapos na tumama sa lalamunan ang matalim na galbanisadong yero mula sa bubungan ng bahay sanhi naman ng malakas na hangin, habang isa namang 30-anyos na karpintero na lulan ng motorsiklo ang sumalpok at namatay dahil sa lakas ng malaking alon habang tinatahak ng biktima ang coastal road.
Samantala, ang limang mangingisda mula sa Barangay Bolong na iniulat na nawawala ay inabot ng unos sa karagatan habang nanalasa ang bagyong "Inday" at "Juan."
Patuloy naman ang isinasagawang search and rescue operation ng mga tauhan ng NDCC at ng tropa ng militar sa ilang bahagi ng Lanao Del Norte sa pangambang may mga sibilyang biktima ang landslide na pinaniniwalaang nakaapekto sa 1,200 kabahayan. (Joy Cantos)