Kabilang sa nasawing pulis ay sina P/ Inspector Marlon Frilles at PO1 Braggo Utto na kapwa nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa Cotabato-Special Action Force.
Nabatid na dakong alauna y medya ng madaling-araw nang salakayin ng mga elemento ng SAF Rapid Deployment Company at grupo ng intelligence unit ang hideout ng grupo ni Indonesian JI terrorist Abdulhir Bin Hir, alyas Marwan sa Fort Pikit.
Ayon sa rekord ng pulisya at militar, si Bin Hir ay kabilang sa tinukoy sa 40 JI terrorists na nakapasok sa bansa sa pamamagitan ng pagdaan sa southern backdoor sa rehiyon ng Mindanao.
Napag-alamang si Bin Hir ay kasamahan ng dalawang JI terrorist na sina Dulmatin at Omar Patek na may patong sa ulong $10 milyon at $1 milyon sa pambobomba sa Bali, Indonesia na pumatay sa 200 katao noong Oktubre 12, 2002 at ngayoy nagtatago sa bansa kasama ang mga Muslim militants.
Ayon sa ulat ng Cotabato Police, kasalukuyang isisilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa grupo ni Bin Hir nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. Sa kasagsagan ng putukan ay bulugta ang dalawang pulis habang nagawa namang makatakas ng mga JI terrorist matapos ang tatlumpong minutong bakbakan.
Nawawala rin ang 2 armalite rifles at ang gamit na night-vision goggles ng dalawang napatay na pulis na pinaniniwalaang tinangay ng grupo ng JI terrorist. (Joy Cantos)