Ayon kay Rabonza, aabot sa 24,000 pa lamang mula sa kabuuang 34,000 residente mula sa 20 barangay sa eight-kilometer danger zone ang naililikas ng Task Force Mayon at ng iba pang binuong rescue team ng pamahalaan sa Albay.
Ang mga ililikas pang residente ay mula sa mga lungsod ng Legazpi, Ligao at Tabaco; mga bayan ng Daraga, Camalig, Malilipot, Guinobatan at Sto. Domingo.
Aabot sa 80 military trucks ng Task Force Mayon sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Arsenio Arugay, ang pinakilos para tumulong sa paglilikas sa mga residente partikular na sa mga ayaw pang magsilikas sa kanilang tahanan.
"May sapat na supply ng gamot, malinis na tubig at gamot para sa mga evacuees na tatagal ng sampung araw," dagdag pa ni Rabonza.
Ayon naman kay Defense Secretary Avelino Cruz Jr., may nakalaan ding mga supply ng relief goods ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) na maaaring gamitin sakaling kapusin ng stocks para sa mga nagsilikas na residente. (Joy Cantos at Ed Casulla)