Puwesto sa Customs sa SBMA, pinag-aagawan

SUBIC BAY FREEPORT — Aabot sa P2-milyon ang nawawala sa gobyerno kada araw dahil sa kaguluhang nagaganap sa Bureau of Customs-Port of Subic simula pa noong nakalipas na linggo dahil sa mga nabalam na transaksyon bunga ng pagkakaroon ng dalawang Customs district collector ng nabanggit na kawanihan.

Simula noong Lunes (Hulyo 10) hanggang kahapon ay natigil ang operasyon sa Customs-Subic Freeport dahil walang kumpanya at locator ang nag-file ng transaksyon dahil sa kalituhan kung sino ang lehitimong opisyal na pipirma sa mga dokumento.

Ilang araw na ring binabalot ng tensyon ang buong paligid ng gusali ng Customs dahil sa patuloy na bangayan ng magkabilang grupo nina Atty. Marietta Zamoranos at Atty. Andres Salvacion na pinaniniwalaang kapwa nag-aagawan ng puwesto bilang kolektor ng BoC.

Si Zamoranos ay itinalagang bagong kolektor ng Port of Subic na may hawak ng Customs Personnel Order (CPO) na linagdaan ni BoC Commissioner Napoleon Morales kapalit ni Salvacion.

Subalit tumangging bakantihin ang puwesto ni Salvacion sa kadahilanang may hawak naman itong ‘injunction order’ mula sa temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 72 sa petisyong pumipigil kay Atty. Grace Caringal na kahalili nito sa puwesto.

Sa kasalukuyan ay kapwa nag-oopisina sina Zamoranos at Salvacion sa iisang gusali ng BoC na kapwa may kanya-kanyang tauhan at pinaniniwalaang mga alalay lamang ang nakikinabang sa kanilang puwesto. (Jeff Tombado)

Show comments