Tiyo ni Rep. Escudero nilikida

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang retiradong guro na tiyo ni Sorsogon 1st District Rep. Francis "Chez" Escudero ang tinambangan at napatay ng dalawang maskaradong lalaki na sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Tigbao, Casiguran, Sorsogon kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa ulo ng bala ng baril ang biktimang si Danilo Hagosojos y Escudero, 61, ng Barangay San Antonio ng nasabing bayan. Ayon kay P/Senior Supt. Joel Regondol, provincial director, sakay ng motorsiklo ang biktima patungo sa Barangay Poblacion nang dikitan ng dalawang maskaradong lalaki na sakay din ng motorsiklo. Ilang putok ng baril ang umalingawngaw at tumilapon ang biktima mula sa sinasakyang motorsiklo. Wala pang malinaw na motibo ang nakukuha ng pulisya para paslangin ang biktima. (Ed Casulla)
Bakbakan:10 NPAs, 4 kawal dedo


CAMP CRAME
– Aabot sa sampung rebeldeng New People’s Army at apat na sundalo ng Phil. Marines ang iniulat na napatay makaraang maganap ang madugong bakbakan sa Purok 1, Barangay Mariki sa bayan ng Kapalong, Davao del Norte kamakalawa ng hapon. Ayon kay Army’s 4th Infantry Division Spokesman Col. Francisco Simbajon, tumagal ng 30-minutong putukan ang sagupaan ng tropa ng militar at rebeldeng NPA na sakay ng dalawang trak nang dumaan sa checkpoint. Pansamantalang hindi tinukoy ang mga napatay na sundalo, samantalang isa sa mga rebeldeng napaslang ay si Verino Antolihao, alyas Kumander Isko/Jopay, kalihim ng Special Committee, Front Committee 35 ng Southern Mindanao. Narekober ng militar ang apat na M16 Armalite rifles at dalawang M14 rifles. (Joy Cantos)
8 nalason sa kabuteng ligaw


CAMP CRAME
– Sinagian ng kalawit ni kamatayan ang walo-katao na ginagamot ngayon sa ospital makaraang malason sa iniulam na ligaw na kabute sa Barangay Don Jorge Araneta, Bago City, Negros Occidental, kamakalawa. Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang mga biktima ay mula sa pamilya Cruz, Aniceto at Gasendo na residente ng Hacienda Zarragoza sa nabanggit na barangay. Ayon kay Carlos de la Cruz, bandang alas-9 ng umaga nang manguha sila ng ligaw na kabute sa isang malawak na taniman ng tubo malapit sa kanilang bahay bago niluto para ulamin sa pananghalian. Ilang oras matapos na makain ang kabuteng ligaw ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagsusuka ang mga biktima kaya isinugod sa Bago District Hospital. (Joy Cantos )<

Show comments