Kinilala ni P/Senior Supt. Francisco Don Montenegro, Batangas provincial director, ang mag-utol na barangay captain na sina Arthur at Roland Blanco ng Barangay Balagtas at Barangay Banaba East, Batangas City.
Sa bisa ng search warrant na pinalabas ni Judge Cesar Mangrobang ng Regional Trial Court Branch 22 sa Imus, Cavite, sinalakay ng pulisya ang safehouse ng mag-utol na Blanco at nakakumpiska ng labingsiyam na matataas na kalibre ng baril.
Nasamsam ang mga baril sa magkahiwalay na raid sa safehouse ng "Blackshark Group" na pinaniniwalaang pinamumunuan ng mag-utol na Blanco at ang safehouse ng "Bantugon Group" sa bayan ng Mabini at Bauan na pinamumunuan naman ni Leonilo Bantugon, ayon sa impormasyon ng Batangas police.
Ayon kay Montenegro, nakumpiska ang pitong high powered firearms sa safehouse ng mga Blanco, samantalang labindalawa naman sa kampo ni Bantugon na kinabibilangan ng mga M16, M14, caliber 45s, Ingram, Uzis, Carbine, 9mm at ibat ibang uri ng bala.
"Hindi lahat ng narekober na baril ay may lisensya kaya pwede silang masampahan ng kasong illegal possession of firearms," dagdag pa ni Montenegro.
Hindi naman makumpirma ni Montenegro kung miyembro nga ng sindikatong Blackshark ang mag-utol na Blanco.
"We have previous charges against the Bantugon group with oil pilferage, hijacking and murder, but we could not detemine if the Blancos were indeed members of the Blackshark group," paliwanag ni Montenegro
Dinala na sa CIDG Camp Crame ang 15 suspek para sa kaukulang imbestigasyon. (Arnell Ozaeta, Joy Cantos at Ed Amoroso)