PALAYAN CITY, Nueva Ecija Apat-katao na pinaniniwalaang courier ng pinatuyong dahon ng marijuana ang natimbog ng mga tauhan ng pulisya sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Nueva Ecija, kamakalawa. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan ay sina Fletcher Shagol y Paulino, 36, ng JF 36 Central Pico, La Trinidad, Benguet; Richard Santos y Martinez, 31, ng 159, Purok 5 San Jose, Cabanatuan City; at ang mag-inang Elizabeth Quijano y Adriano, 42, at Nelson Feliciano y Quijano ng Barangay San Roque, Jaen, Nueva Ecija. Sa ulat ni P/Supt. Roel Obusan kay P/Senior Supt. Alex Paul Monteagudo, provincial director, unang nadakip ang mag-inang Feliciano sa Barangay San Roque, Jaen matapos na makumpiskahan ng 1-kilong marijuana. Sumunod na nasakote sina Shagol at Santos sa Cabanatuan City Central Transport Terminal sa Barangay Barrera, Cabanatuan City matapos na nakumpiskahan ng 2-kilong damo noong Hulyo 3.
(Christian Ryan Sta. Ana) Militanteng magsasaka nilikida |
PAMPANGA Isa na namang magsasaka na pinaniniwalaang miyembro ng militanteng grupo na iniuugnay sa komunistang Rebolusyonaryong Hukbong Bayan ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang lalaki sa harap ng kanilang bahay may ilang metro ang layo sa military detachment sa Barangay del Carmen, Lubao, Pampanga noong Miyerkules ng gabi. Bandang alas-8 ng gabi nang lapitan at ratratin ng mga armadong kalalakihan ang biktimang si Edwin "Totoy" Carreon, 40. Ayon sa grupong Kilusan para sa Pambansang Demokrasya, dalawang araw bago paslangin si Carreon ay inimbitahan ito ng Armys 24th Infantry Battalion kasama ang kanyang anak para imbestigahan tungkol sa napaulat na may ugnayan ang mag-ama sa nabanggit na grupong komunista. Si Carreon ay ika-11 biktima sa Central Luzon matapos na ideklara ng gobyerno ang all-out war laban sa rebeldeng NPA. Itinanggi naman ng militar ang akusasyon ng mga militante na may kinalaman sila sa naganap na pamamaslang.
(Resty Salvador) Tiktik ng militar pinatahimik |
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Masaklap na kamatayan ang sinapit ng isang 46-anyos na magsasaka na pinaniniwalaang ginawang tiktik ng militar matapos na pagbabarilin ng mga rebeldeng New Peoples Army sa loob ng Patag-Belen Barangay Hall sa bayan ng Caramoan, Camarines Sur kamakalawa ng umaga. Ang biktimang si Milano Fernandez ay kinaladkad ng mga rebelde mula sa kanyang bahay patungo sa nabanggit na barangay hall habang nakamasid ang ilang residente na hindi naman nakapalag sa takot na madamay. Napag-alamang itinanggi naman ng mga kasambahay na tiktik ang magsasaka habang nagmamakaawa na ang misis nito sa mga rebelde, subalit isinagawa pa rin ang pamamaslang. Ayon sa ulat, binalaan ng NPA rebs ang mga residente na iwasang makipagtulungan sa pulisya at military para hindi sapitin ang naganap kay Fernandez.
(Ed Casulla) CAVITE Umatake na naman ang sugo ng kadiliman matapos na pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang 51-anyos na barangay kagawad ng dalawang tauhan ni kamatayan habang ang biktima ay nakatayo sa kanyang bakuran sa Barangay Bulihan, Silang, Cavite kamakalawa ng hapon. Walang nagawa sa karit ni kamatayan ang biktimang si Reynaldo De La Cruz ng Block 119 Lot 13, Zone 7, AFP Housing. Samantalang sugatan si Joseph Gomez, 25, matapos na tamaan ng ligaw na bala ng baril. Sa ulat ni PO1 Primitivo Canete Jr. na isinumite kay P/Supt. Mario Marasigan hepe ng pulisya sa bayang nabanggit, Namataang may lumapit na dalawang hindi kilalang lalaki sa biktima at biglang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok at nadaplisan ng ligaw na bala ng baril si Gomez. Inaalam ng pulisya kung may kinalaman ang krimen sa pagiging kagawad ng biktima.
(Cristina Timbang) DINALUPIHAN, Bataan Kamatayan ang sumalubong sa isang 33-anyos na miyembro ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan makaraang barilin ng isa sa dalawang hindi kilalang lalaki habang nakikipag-inuman ng alak ang biktima sa bahagi ng Barangay San Pablo, Dinalupihan, Bataan kamakalawa ng hapon. Tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ni Oscar Artiangco na naisugod pa sa Payumo Memorial Hospital ng kanyang tiyuhin at ilang kaibigan. Agad na tumakas ng mga suspek sakay ng motorsiklo patungong Olongapo City. May posibilidad na may matinding galit sa biktima ang mga killer habang sinisilip ng pulisya kung may kaugnayan ang pamamaslang sa pananalapi.
(Jonie Capalaran)