7 NPA rebels nalagas
CAMP CRAME Dumanas ng panibagong dagok ang mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) matapos malagasan ng pitong miyembro sa magkakahiwalay na pakikipagsagupa sa tropa ng militar sa lalawigan ng Compostella Valley, ayon sa ulat kahapon. Sinabi ni Armys 4th Infantry Division (ID) Spokesman Lt. Col. Francisco Simbajon, dakong alas-8:45 ng umaga nitong Biyernes ng maka-engkuwentro ng Armys 30th Infantry Battalion (IB) ang hindi pa madeterminang bilang ng mga armadong rebelde sa liblib na bisinidad ng Sitio Tagaytay, Brgy. Napnapan, Pantukan ng lalawigang ito. Kasalukuyang nagsasagawa ng security patrol ang mga sundalo sa pamumuno nina 2nd Lt. Carlo Angelo Dequito at 2nd Lt. Joy Villanueva nang masabat ang komunistang grupo at magkabarilan nang tumagal ng 10 minuto hanggang sa magsi-atras ang mga rebelde tangay ang tatlong nalagas sa kanilang puwersa. Sa isa pang insidente, bandang alas-7 naman ng umaga nitong Sabado ng makasagupa ng tropa ng Armys 60th Infantry Battalion (IB) ang grupo ng mga armadong rebelde na kasapi ng Front Committee (FC) 34 Southern Mindanao Regional Committee sa Sitio Katuba, Brgy. Datu Ampunan, Laak ng nabanggit ring lalawigan. Nagkaroon ng sampung minutong palitan ng putok sa pagitan ng magkalabang puwersa hanggang sa napilitang umatras ang mga rebelde matapos na malagasan ng apat sa kanilang hanay. (Joy Cantos)