Mga bakal sa tower ng kuryente, ninanakaw

GUMACA, Quezon – Talamak ngayon ang nakawan ng mga bahaging bakal sa tower ng National Power Corporation (Napocor) at National Transmission Commission (Transco) na nagsu-supply ng kuryente buong Quezon.

Ayon kay Nelson Bautista, Transco area communication officer na kapag patuloy na magaganap ang nakawan sa tower ay magiging sanhi ito ng serye ng malawakang brownout sa mga bayang nasasakupan ng electric cooperative na kanilang sinusuplayan ng kuryente.

Batay sa talaan na iprinisinta ng pamunuan ng Transco sa isinagawang pakikipagpulong sa iba’t ibang sektor sa bayan ng Gumaca kamakalawa bilang bahagi ng information dessimination tungkol sa RA 7832 o Anti Pilferage Act, aabot sa 11,2002 pirasong bakal ng dalawang tower ng kuryente ang ninanakaw mula pa noong Enero hanggang Mayo 2006

Ang mataas na presyo ng bakal ang pinaniniwalaang pangunahing dahilan kung kaya’t nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga kawatan ng modus operandi laban sa government installations.

Dahil dito, ay pinaigting ng mga opisyal ng Transco ang kampanya sa pagpapatupad ng RA 7832 sa pamamagitan ng pagmomonitor sa mga junk shop na posibleng pagbentahan ng mga ninakaw na bakal ng tower at ang pakikipag-ugnayan sa militar, pulis, opisyal ng lokal na pamahalaan, barangay at mga residente.

Tiniyak rin ng pamunuan ng Transco na hindi nila sasantuhin at sasampahan ng kaukulang kaso ang sinumang kawani ng nabanggit na kompanya na nakikipagsabwatan sa mga magnanakaw. (Tony Sandoval)

Show comments