P.6-M troso nasabat

QUEZON – Aabot sa P.6 milyong troso na pinaniniwalaang walang kaukulang dokumento ang nasabat ng mga awtoridad sa bakuran ng isang negosyante sa Barangay Libjo, Infanta, Quezon kamakalawa. Ang mga kahoy na kinabibilangan ng square logs at flitches ng narra, lawaan at tanguile ay may kabuuang bilang na 4,135 piraso, at may sukat na 14,215 board feet ay nakuha mula sa bakuran ng bahay ni Rossana Avellano, alyas "Susan." Kinumpiska rin ang anim na engine motors, mga circular at band saw na pawang walang kaukulang papeles at hindi dokumentado. Ayon sa ulat, ang raid sa bahay ni Susan ay base sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Stephen Cruz ng Lucena City Regional Trial Court, Branch 60. Dinala sa tanggapan ng DENR sa bayan ng Real, Quezon ang mga nakumpiskang troso, samantalang pansamantalang dinala sa himpilan ng pulisya si Susan at sinampahan ng kasong paglabag sa PD 705 Section 68. (Tony Sandoval)
2 mangingisda tinarget ng Navy
CAVITE – Dalawang mangingisda na pinaniniwalaang naaktuhang nagnanakaw ng mga scrap metal ang pinagbabaril ng isang tauhan ng Phil. Navy na ikinasawi ng isa habang kritikal naman ang kasama nito sa naganap na insidente sa Fort San Felipe Naval Base, Cavite City, Cavite kamakalawa. Idineklarang patay sa Dra. Salamanca Hospital ang biktimang si Ricardo Enriquez ng #974 Inocencio St., Barangay 60, San Roque, habang ginagamot naman si Allan Rene De Guzman, 29, ng #1039 Cabesas St., Barangay 60, Sangley Point, Cavite City. Sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si FN1 Manuel Policar matapos ang insidente. Ayon kay PO1 Ronald Nabos, namataan ng suspek ang mga biktimang nagnanakaw ng scrap metal at sa hindi nabatid na dahilan ay agad nitong pinagbabaril ang dalawa na ikinasawi ni Enriquez. (Cristina Timbang)

Show comments