Mag-asawang trader, katiwala minasaker

MALOLOS CITY, Bulacan – Tatlo katao, kabilang ang mag-asawang negosyante ang pinagbabaril hanggang mapatay ng mga hindi kilalang lalaki sa loob ng kanilang farmhouse Barangay Paradise 2, San Jose del Monte City, Bulacan kahapon ng madaling- araw.

Sa ulat ng pulisya na tinanggap ni P/Senior Supt. Benedict Michael Fokno, Bulacan provincial director, ang mga biktima ay nakilalang sina Arnel Serrano, 36, Marlyn Serrano, 49, at si Pedro Jabaan y Quillosa, 41, katiwala ng Sheer Poultry Farm na pag-aari ng mag-asawa sa nabanggit na barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Edsel Israel, pinasok ng mga ‘di kilalang kalalakihan ang manukan ng mag-asawa saka isinagawa ang krimen gamit ang 9mm pistol at M16, M14 rifle.

Napag-alamang tumawag sa Police Community Precinct sa Barangay Tungkong Mangga, ang isang kapitbahay ng mga biktima na nakilalang Pacita Manla ng Amihan Farm para ipagbigay-alam ang karumal-dumal na krimen. Agad naman ipinaabot ng PCP sa kanilang himpilan ang natanggap na tawag mula kay Manla.

Ayon kay Manla na isinalaysay sa pulisya, may nakita siyang bangkay sa harap ng gate ng Sheer Poultry Farm bandang alas-6 ng umaga, kahapon na ang tinutukoy ay si Jabaan.

Kaagad naman rumesponde ang pulisya upang siguruhin na positibo ang itinawag at pagpasok ng mga imbestigador sa loob ng nabanggit na poultry farm, namataan ang nakahandusay na bangkay ng mag-asawang negosyante kung saan ay nakarekober ng mga basyo ng bala mula sa kalibre 9mm, M16 at M14 rifles.

Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng pulisya ang motibo ng krimen na pinaniniwalaang may kaugnayan sa negosyo ng mag-asawa. (Dino Balabo)

Show comments