ZAMBALES Binaril at napatay ang isang 23-anyos na binata matapos na mapagtripan ng mga kalalakihang lango sa bawal na gamot sa naganap na karahasan sa Barangay Sta. Barbara, Iba, Zambales kamakalawa. Tama ng bala ng shotgun ang tumapos sa buhay ni Ram Ace Tutol ng Lipay Dingin, Iba, Zambales. Samantalang tugis ng pulisya ang mga suspek na sina Bertong Abong, Mario Capistrano, Melvin Matampac at Norlan Bilangan na pawang residente ng Sta. Barbara. Ayon kay P/Senior Inspector Ronald Tabamo, hepe ng pulisya sa bayan ng Iba, dumalo ng shower party ang biktima kasama sina Ramon Tutol at Melchor Buenaventura. Dahil sa may nakaambang kaguluhan ay minabuti ng biktima na umalis sakay ng motorsiklo habang kaangkas naman ang dalawa. Dito na hinarang ng mga suspek ang biktima saka binaril ng shotgun.
(Fred Lovino) Biyenan pinugutan ng manugang |
BATAAN Pinaniniwalaang matinding galit ang umiral kaya nagawang tagain sa leeg at mapatay ang isang lalaki ng sariling manugang sa kanilang bahay sa Sitio Ipil, Barangay Binucawan sa bayan ng Bagac, Bataan kamakalawa ng umaga. Kinilala ni P/Chief Insp. Luisito Magnaye, ang biktima na si Cezar Aquino, samantalang nadakip naman ang suspek na si Aldrin Solis sa isinagawang follow-up operation ng pulisya. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, ganap na alas-7 ng umaga nang magkomprontahan ang dalawa tungkol sa problemang pampamilya. Napag-alamang nakakuha ng itak ang dalawa at nagkagirian hanggang sa mapuruhan ang biktima sa leeg na halos maputol. Nakorner naman ang suspek ng mga rumespondeng barangay tanod at pulisya na ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal.
(Jonie Capalaran) CAVITE Libong halaga ang natangay mula sa gasolinahan matapos na holdapin ng mga hindi kilalang kalalakihang sakay ng motorsiklo sa Barangay Punta 1, Tanza, Cavite kamakalawa. Sa ulat ni SPO1 Apolinar Gonzales na isinumite kay ni P/Supt. Randolf Tuaño, nagpanggap na customer ang apat na lalaking sakay ng motorsiklo sa Petron Gasoline Station. Dalawa sa apat na holdaper ang tumapat sa puwesto ng kahera saka nagdeklara ng holdap. Wala naman nagawa ang kahera kundi ang ibigay ang kinita sa takot na mapatay. Ilang minuto lamang naisagawa ang holdap bago agad na nagsitakas ng mga holdaper.
(Cristina Timbang)