Sparrow Unit member, timbog

KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City – Isang miyembro ng Sparrow Unit ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na may dalang granada ang nasakote matapos na umano’y tangkaing likidahin ang Deputy Chief of Police ng Aroroy Municipal Police Station kahapon ng umaga sa Barangay Panique, Aroroy, Masbate.

Nakilala ang suspek na si Magsasay Capinig, 34, binata, residente ng Brgy. Tigbao, naturang bayan.

Batay sa ulat ng Deputy Chief of Police na si SPO4 Cesar Ramirez, na siyang target na itumba ng NPA, ang insidente ay naganap dakong alas-6 ng umaga habang siya at ilang mga tauhan ay nakatakdang magsasagawa ng pagpupulong.

Aali-aligid umano ang suspek sa lugar nang mapansin ng mga tauhan ni Ramirez kaya bigla itong dinakma nang makitaan umano ng isang fragmentation grenade na siya umanong gagamitin ng suspek sa planong paglikida sa nasabing pulis at grupo nito. (Ed Casulla)

Show comments