Dahil dito, umaabot na sa 94 ang bilang ng mga pinaslang na lider at miyembro ng militanteng grupo sa 2006.
Sa ulat na tinanggap kahapon ng Task Force USIG na pinamumunuan ni Deputy Director General Avelino Razon Jr., kinilala ang biktima na si Annaliza Abonador, 33-anyos, organizer at leader ng Kilusan Para Sa Pambansang Demokrasya (KPD).
Nabatid na si Abonador ay ikatlong lider ng militanteng grupo na napapaslang sa Bataan simula noong Enero at ika-124 sa rekord ng Task Force USIG simula noong 2001 sa pag-upo sa puwesto ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na taliwas naman sa rekord ng militanteng grupo na umaabot na sa bilang na 567.
Ayon kay PO3 JJ Tagana, ang bangkay ng biktima na may siyam na tama ng bala ng baril ay nadiskubre pasado alas-4 ng hapon noong Huwebes sa loob ng Dakki Business Center kung saan ay nagsi-sideline ang biktima bilang kahera at personnel asst.
Agad namang pinawi ang anggulong nakawan dahil walang nawawala sa cash register at maging sa mga paninda at gayundin sa mga gamit sa loob ng tindahan. (Joy Cantos/Jonie Capalaran)