Kinilala ni Supt. Sheldon Jacaban, hepe ng Provincial intelligence and investigation branch (PIIB) ng panglalawigang pulisya ang mga biktima na sina Gerardo Almadrones, 42, isang businessman at Roberto Cruz, 40, binata, walang trabaho, kapwa residente ng Angat, nasabing lalawigan.
Ang suspek naman ay nakilalang si SPO2 Eduardo Valencia y Guevarra, 45, na nakatalaga sa sa Angat Police Station.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok si Valencia sa Elizabeth Restaurant kasama sina SPO3 Leopoldo Ignacio at Daniel De Guzman, ang municipal radio operator ng Angat sa Brgy. Sta. Cruz noong Biyernes, bandang alas-3:30 ng madaling-araw.
Ilang sandali pa, dumating naman si Cruz kasama ang isang Rosendo Lipana. Nang makita ni Cruz ang grupo ni Valencia, agad niyang nilapitan ito at nakipagkuwentuhan. Hindi nagtagal, dumating naman si Almadrones at sumama din sa kanila.
Ayon sa pulisya, habang nagkukuwentuhan ang grupo, nagsalita umano si Cruz ng "Sarhento, hindi ako nagtutulak ng droga, pumapatay lang ako ng tao." Dahil dito, agad na binunot ni Valencia ang kanyang baril at pinaputukan si Cruz. Tumayo naman si Almadrones, ngunit pinaputukan din ito ng naturang pulis.
Samantala, agad namang iniulat ni SPO3 Ignacio ang insidente sa Angat Police Station ngunit alas-7 na ng umaga nang sumuko si Valencia sa awtoridad. (Dino Balabo)