Sa ulat ni Chief Insp. Alex Borja, hepe rito, kinilala ang biktima na si Marielet Asintado, estudyante ng St. Scholastica University at residente ng Block-5, Lot- 43, Phase 5, Brgy. Salawag, Dasmariñas, Cavite.
Ang bangkay ni Asintado ay nakitang nakalutang sa mismong ika-18 kaarawan nito may dalawang araw matapos ang kanyang pagkawala.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Dante Chan Ordono, may hawak ng kaso, dakong alas-8 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa Pag-asa Police Detachment at kay Brgy. Capt. Jaime Sapanghila hinggil sa natagpuang patay na babae sa nasabing creek.
Isang residente umano rito ang nakakita sa biktima nang bisitahin nito ang kanyang sagingan sa nasabing lugar.
Agad namang rumesponde ang pulisya at dito nila nakita ang karumal-dumal na kalagayan ng biktima, nakalutang ito sa nasabing creek walang damit pang-itaas at nakababa na ang pantalon nito.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nakitang malapit sa bangkay ng biktima ang bag nito kung saan naglalaman ng pagkakakilanlan sa biktima. Narekober din ang Good Morning towel na siyang ginamit sa pagsakal sa dalaga hanggang sa mapatay.
Napag-alaman pa na nitong nagdaang Mayo 9 ay inireport ng pamilya ng biktima ang pagkawala nito, makaraang pumasok ng summer classes at simula noon ay hindi na nakauwi pa.
Nabatid pa sa pamilya nito na nawawala na rin ang cellphone ng biktima at ang perang inipon para sa darating na debut.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente habang sumasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng biktima upang malaman kung ginahasa ito ng di kilalang salarin.