CAMP CRAME Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang mag-asawang Swiss trader makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaki sa naganap na holdap sa kahabaan ng McArthur Highway sa Barangay San Nicolas, Tarlac City noong Biyernes ng umaga. Nasa Talon General Hospital ang mag-asawang biktima na sina Markus Joseff Vettori, 47; at Charen Vettori, 21, ng Barangay Tambugan, Camiling, Tarlac. Sa follow-up operation ng pulisya, natukoy naman sa rogues gallery ang mga suspek na sina Rodel Tigao at Milven Dizon na kasalukuyang tugis ng mga awtoridad. Base sa ulat, nag-withdraw ng P.2 milyon sa banko ang mag-asawa at habang sakay ng Nissan Sefiro (DRK 721) ay dinikitan sila ng motorsiklo ng mga suspek. Tumanggi namang huminto ng mag-asawa kaya pinagbabaril sila, subalit nakuhang imaneho ni Markus ang kotse sa nabanggit na ospital
. (Joy Cantos) Holdap: Sikyu dedo, kahero grabe |
CALAUAG, Quezon Patay agad ang isang security guard habang malubhang nasugatan ang kahero ng isang tindahan ng liquified petroleum gas (LPG) matapos na pagbabarilin ng mga holdaper ang opisina ng mga biktima sa Barangay Sumilang ng bayang ito, kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang namatay na si Rogelio Ramoza, 39, ng Barangay Uno habang ginagamot ngayon sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang kahero ng Homesavers Gas Corporation dahil sa tama ng bala ng shotgun sa tagiliran. Ayon kay SPO1 Edgar Escobar, dakong alas-6:40 ng gabi nang pasukin ng anim na kalalakihan ang compound ng naturang establisyemento bago pinagbabaril na ikinasawi ng biktima. Napag-alamang bago tumakas ng mga holdaper na may bitbit na malaking halaga ay tinangay din ang shotgun ng sikyu
. (Tony Sandoval) 2 tulak tiklo sa buy-bust |
CAVITE Dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na tulak ng bawal na gamot ang bumagsak sa kamay ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Kaingin, Kawit, Cavite, ayon sa ulat ng pulisya kahapon. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Nelson Cipriaso, alyas Lako, 25 at Romeo Quero, 39, kapwa residente ng nabanggit na barangay. Ayon kay S/Insp. Hersan Mojica, hepe ng pulisya sa bayan ng Kawit, nakumpiska kay Cipriaso ang P100 marked money na ginamit sa operasyon habang nasamsam naman kay Quero ang isang piraso ng plastic sachet ng shabu. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang dalawang suspek
. (Cristina Timbang) ANTIPOLO CITY Nasa malubhang kalagayan ang pito katao makaraang tumaob ang sinasakyan nilang van kahapon ng umaga sa Brgy. San Jose ng lungsod na ito. Ang mga biktima na ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center ay nakilalang sina Edgardo Abessa, 29, drayber ng van; Melody Valencia, 20; Albert Gregorio, 26; Jennelyn So, 17; Arlene Sarmiento, 26; Freddie San Diego, 39 at Michael Bubala, 19, pawang residential ng Brgy. Santolan, Pasig City. Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga habang binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng Sitio Cabading, Brgy. San Jose mula sa summer outing sa isang resort sakay ng isang kulay puting Isuzu Elf na may plakang NCC-699.
(Edwin Balasa)