Sa naturang order na nilagdaan ni Judge Ruben Galvez, ipinag-uutos nito ang pagtatalaga kay Antonio Dimayuga bilang lehitimong nanalo sa pagka-mayor ng bayang nabanggit kapalit ng incumbent na si Mayor Mario "Boyet" Magsaysay Jr.
Subalit bago pa maisilbi ang naturang kautusan ng korte, ipinag-utos ni Magsaysay sa mga tauhan ang pagkakandado ng lahat ng gate papasok ng munisipyo dahil sa paniniwalang security reason.
Sa isang pahinang order (civil case number 7491 for Election Protest), na inihanda ni Maria Socorro Alea-Godoy, Clerk of Court na may petsang Abril 20, 2006, idinedeklara nito na si Antonio A. Dimayuga, ang nanalong alkalde ng San Pascual, Batangas sa nakalipas na May 10, 2004 halalan.
Nakasaad ang mga katagang "Consequently, the proclamation of the protestee Mario Magsaysay Jr. is hereby annulled and set aside. The protestee is directed to vacate and desist from further performing the function of the Office of the Mayor of the said Municipality".
Sa desisyong may petsang May 2, 2006, pinaboran din ng korte ang motion for execution pending appeal and reconsideration na inihain ni Dimayuga at initusan siyang mag lagak ng bond sa P.1 milyon.
Sinikap ng PSN na kunan ng pahayag si Magsaysay Jr., subalit hindi nito pinaunlakan ang kahilingan ng mga mamamahayag para sa isang interview.
Ayon naman kay Dimayuga, ang tanging hiling nito ay isang mapayapang transisyon ng kapangyarihan para sa kapakanan ng kanilang kababayan.
"Ang tanging inaasam ko ay mapaglingkuran ang akin mga kababayan at madaliang resolusyon ng problemang ito," ani Dimayuga sa PSN.
Nagpatawag ng isang department heads meeting si Dimayuga noong Huwebes, subalit walang dumalo dahil naka-leave daw lahat.
Noong May 2004 election tabulation, nanalo umano si Magsaysay Jr. laban kay Dimayuga ng aabot sa 1,400 boto.
Dito naghain ng protesta si Dimayuga dahil umano sa mga kwestiyonableng balota na iisang tao lamang ang sumulat.
Noong nagkaroon muli ng bilangan sa korte, lumabas na lamang si Dimayuga ng 41 boto laban kay Magsaysay.