Ambush: Dalagita todas, 8 pa grabe

CAMP CRAME – Tinambangan at napatay ang isang 13-anyos na dalagita, samantalang walo ang malubhang nasugatan habang dalawa pa ang nawawala matapos ang paghasik ng karahasan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bahagi ng Surallah, South Cotabato kamakalawa.

Kinilala ang napatay na dalagita na si Lambay Kaitom, habang ginagamot sa ospital ang mga sugatang biktima na sina Monera Cabra, 35; Ariel Hervilla, 54; John-John Hervilla, 17; Robert Baylawan, 25; Pepe Hintongan, 35; Sia Balangan, 40; Samrod Dalagonan, 23; at isa pa na di natukoy ang pagkakakilanlan.

Samantala, dalawang sibilyan na kasama ng mga biktima ang nawawala matapos na tumalon sa ilog habang niraratrat ng mga rebelde ang sinasakyan cargo truck.

Sa ulat ni Army’s 6th Infantry Division (ID) chief Major Gen. Agustin Dema-ala, dakong alas-3:30 ng hapon naitala ang insidente sa Sitio Patal Lawa, Brgy. Upper Sepaka, Surallah.

Napag-alamang nakisakay lamang ang mga biktima sa cargo truck nang ratratin ng mga rebeldeng nakaposisyon sa magkabilang bahagi ng highway. Walang malinaw na ulat hinggil sa kalagayan ng dalawang nawawala. (Joy Cantos)

Show comments