Sa ulat na ipinarating ni P/Sr. Supt. Jesus Gordon Descanzo, hepe ng pulisya rito, kay P/Sr. Supt. Alex Paul Monteagudo, Nueva Ecija PNP director, nakilala ang nahuling suspek na sina Reynaldo Dela Cruz, 25, binata ng Brgy. Paliparan, Dasmariñas, Cavite; Ramoso Ramos, 32, ng Barangay Pula, Talavera, Nueva Ecija; Alex Nakil, 40, may-asawa ng Purok Masbate, Barangay Pitugo, Makati City; Oliver Dagasday, 29, may-asawa ng Block 26 Lot 13, Brgy. Mabuhay 2000, Dasmariñas, Cavite at Rene del Rosario, 56, tubong Pigkawayan, Cotabato City.
Sinabi ni Descanzo na ang grupo ng mga suspek bago nila nahuli sa harap ng Jollibee Branch sa nasabing lugar ay kabibiktima lang ng isang cashier ng Cebuana Lhuillier Pawnshop, dakong alas-10 ng umaga ng araw ding iyon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Searchel Dela Cruz, 26, may-asawa ng Barangay Pula, Cabanatuan City, na tinangayan ng mga suspek ng halagang P150,000 cash na kawi-withdraw lang sa BPI Bank.
Nabatid sa imbestigasyon na paglabas ng bangko ay sumakay ng tricycle ang biktima ngunit hindi pa man ito nakakaalis ay biglang sumakay sa tabi niya ang isa sa mga suspek, habang ang isa pa ay sa likuran ng driver.
Dito ay sapilitang kinuha ng suspek na nasa likod ng driver ang bag ng biktima na naglalaman ng naturang halaga ng pera saka mabilis na tumakas. Hinabol ng biktima ang mga suspek na pumukaw naman sa atensyon ng mga tambay sa lugar na tumulong din sa paghabol sa mga holdaper.
Habang naghahabulan ay may isang residente na tumawag sa himpilan ng pulisya na mabilis namang rumesponde. Pagkalipas ng ilang minuto ay naaresto ang isa sa 2 suspek na nakilalang si Reynaldo dela Cruz kasabay ng pagkabawi sa perang kanilang nakulimbat.
Sa interogasyon inamin umano ni dela Cruz na ang grupo nila ang responsable sa mga serye ng holdapan at nakawan sa lungsod. Sinabi rin niya na magkikita-kita sila ng grupo sa harap ng naturang food chain sa gabi ng araw ding iyon upang paghati-hatian ang pera. Dahil dito, isang set-up ang isinagawa ng pulisya at doon nahuli ang apat pang mga kasamahan ni dela Cruz, na sakay ng isang Nissan Urvan, may plakang XMB-770 na pinaniniwalaang gamit ng mga suspek sa kanilang operasyon. Sasampahan ng kasong robbery holdup at paglabag sa RA 8294 ang mga suspek. (Christian Ryan Sta. Ana)