Mag-utol timbog sa buy-bust

MARILAO, Bulacan – Timbog ang magkapatid na pinaniniwalaang notoryus na drug pusher sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya matapos na ireklamo ng mga residente sa "PNP Text Hotline 2920" sa Barangay Patubig, Marilao, Bulacan.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Gina, 36; at Maritess Delmita y Blanca na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Ayon kay P/Supt. Pedro Talosig, hepe ng pulisya sa bayang nabanggit, unang nalaman ng pulisya ang operasyon ng mag-utol sa pamamagitan ng PNP Text Hotline 2920.

Dahil dito ay agad na bumuo ng isang pangkat si Talosig upang magsagawa ng buy-bust operation.

Nasakote at hindi nakapalag ang magkapatid habang binebentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer sa ibaba ng tulay na sakop ng Barangay Patubig sa North Luzon Expressway.

Inamin ng magkapatid na suspek sa mga imbestigador na bukod sa pagtutulak ng shabu, gumagamit din sila ng droga.

Nakakumpiska ang pulisya mula sa mga suspek ng limang plastic sachets na pinaniniwalaang shabu, mga drug paraphernalias at marked money na ginamit sa buy-bust operation.

Ang mga ebidensya ay isinumite ng pulisya sa Bulacan Crime Laboratory, samantalang ang magkapatid ay kasalukuyang nakakulong. (Dino Balabo)

Show comments