4 suspek sa pagpatay sa chairman ng PLEB timbog

BALUNGAO, Pangasinan – Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa pagpatay sa chairman ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) ang nadakip ng mga tauhan ng pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang operasyon sa bahagi ng San Aurelio II kahapon. Kasalukuyang nakapiit at pormal na sinampahan ng kaukulang kaso sa Rosales Regional Trial Court ang mga suspek na sina Roger Lloren, Joseph Palpalatoc, Amboy Castillo at Ross Alejandro.

Ayon kay P/Senior Insp. Jeff Fanged, sina Lloren at Alejandro ay sumailalim na sa paraffin test at nakatakdang lumabas ang resulta mula sa Crime Lab sa Urdaneta City.

Napag-alamang si Lloren na caretaker ng farmhouse ng pamilya Uminga ay isinangkot si Palpalatoc na umamin namang ipinatago sa kanya ng una ang mga baril na kanilang ginamit sa pamamaslang. Itinuro naman ni Palpalatoc sina Castillo at Alejandro bilang utak sa pagpatay kay Atty. Carlo Magno Uminga na dating NBI agent sa Maynila.

Matatandaang niratrat ng mga suspek ang kubo na kinatutulugan ng pamilya Uminga na ikinasawi ni Atty. Uminga, 48, at ikinasugat naman ng kanyang asawang si Rosa Isabel, 55.

Narekober ng pulisya ang 43-basyo ng bala ng malalakas na kalibre ng baril matapos ang insidente sa farmhouse ng mga biktima sa Barangay Angayan Sur. (Eva Visperas)

Show comments