Gov. Maliksi, mananatili sa puwesto

CAVITE – Nanindigan si Cavite Governor Erineo "Ayong" Maliksi sa kanyang pulong kahapon kasama ang grupo ng mga hepe ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan na siya pa rin ang Chief Executive ng Cavite sa mga oras na ito matapos na bawiin ng Court of Appeals ang preliminary injunction na ibinigay sa gobernador hinggil sa 6-buwang preventive suspension order ng Ombudsman na may kaugnayan sa pinaniniwalaang maanomalyang pagbili ng 7,500 sako ng bigas.

"Hangga’t hindi ko natatanggap mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang kautusan para sa aking suspensyon ay mananatili akong nanunungkulan bilang gobernador at magpapatuloy ang sinimulang programang pang-kaunlaran sa lalawigan," ani Maliksi.

Ang pagpapatawag ng pulong si Gov. Maliksi ay matapos na magpalabas ng memorandum order noong Abril 4 si Vice Governor Juanito Victor Remulla na nagsasabing siya na ang tumatayong gobernador at ang lahat ng transaksyon ng pamahalaang panlalawigan ay dapat dumaan sa kanyang tanggapan.

"Hintayin muna niya (Remulla) na mai-serve sa akin ang suspension order bago siya gumawa ng kung anu-ano. Nakikita tuloy na masyado siyang nagmamadali na makuha ang kapangyarihan na kanyang matagal nang inaambisyon, samantalang noong hindi pa nagaganap ang pangyayaring ito, hindi naman siya nakikipagtulungan sa mga programa at proyekto para sa mga Kabitenyo," dagdag pa ni Maliksi.

Samantala, tiniyak naman ng mga department at unit heads na kanilang susuportahan si Gov. Maliksi sa kanyang laban para makamit ang hustisya lalo pa’t siya’y naninindigan na walang katotohanan ang kasong isinampa sa kanya.

Matatandaan na noong Agosto 2, 2005 ay sinampahan ni Remulla si Maliksi ng kasong graft and corruption sa Ombudsman dahil sa paniniwalang may naganap na anomalya sa pagbili ng 7,500 sako ng bigas (P7.5-M), Subalit nakakuha ng temporary restraining order (TRO) sa korte si Maliksi noong Agosto 15 at preliminary injunction noong October 24 mula sa Court of Appeals. (Arnell Ozaeta)

Show comments