Mag-asawa dinedo ng mag-utol na adik

CAVITE — Walang buhay na natagpuan ng mga kapitbahay ang mag-asawang naliligo sa sariling dugo matapos paslangin ng mag-utol kasabwat ang isang kaanak sa Barangay Salawag sa bayan ng Dasmariñas, Cavite, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Mario Reyes, hepe ng Dasmariñas PNP, ang mag-asawang biktima na sina Alfredo Castro, 59; at Pacita, 57, kapwa residente ng Block 32 Lot 46 Zurich Street, San Marino City Subdivision sa nasabing barangay.

Ayon sa ulat, bandang alas-7:15 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Alfredo na basag ang bungo matapos hampasin ng malaking tipak na bato, samantalang halos mawasak naman ang katawan ni Pacita na tinamaan ng bala ng isang improvised shotgun.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon nang matinding pagtatalo ang mag-asawa at mga suspek na sina Melvin Labanda, alyas "Toto," utol nitong si Glenn Labanda, alyas "Buboy" at tiyuhin nilang si Reynaldo Estrada na pawang residente ng Block J Lot 8 London st. San Marino City Subd.

Sa panayam ng PSN kay PO1 Marvin Causaren, napag-initan ng mag-utol na Labanda ang mag-asawa matapos malaman ng mga ito na sila ang nagsumbong sa mga opisyal ng barangay na mga adik at tulak ng droga ang mga ito sa kanilang lugar.

Dahil gustong makaganti, nilusob ng mga suspek ang bahay ng mag-asawa at walang-awang pinagtulungang patayin bago ang mga ito na nagsitakas.

Malawakang pagtugis laban sa mga suspek na pinaniniwalaang adik sa droga ang isinasagawa ng pulisya para panagutin sa malagim na krimen. (Arnell Ozaeta/Cristina Timbang)

Show comments