Kinilala ang isa sa napaslang na suspek na si Mario Rado, habang kinikilala pa ng pulisya ang lima pa nitong kasamahan.
Ayon kay Sr. Supt. Hernando Zafra, director ng Bataan Police, ang mga suspek ay sangkot sa robbery at gun-for-hire na pinamumunuan ng isang Pablo Dacpano Jr.
Ang "Dacpano Gang" umanoy ang nasa likod ng serye ng nakawan at mga pagpatay sa Balanga City, mga bayan ng Pilar, Orion, Limay, Mariveles, Morong at Bagac; pawang sa ikalawang distrito ng Bataan
Ang dalawang nasugatang pulis na sina PO3 Danilo Nazareno at PO2 Noel Maglalang at isang di tinukoy na civilian agent ay mabilis na isinugod sa Isaac at Catalina Medical Center sa Balanga City para malapatan ng lunas.
Sa ulat, bandang alas-4 ng hapon nang makasagupa ng mga intelligence operatives ng Bataan Provincial Police Office (PPO) ang grupo ng mga suspek sa Sitio Mabig, Brgy. Sabatan sa Orion.
Bago ang operasyon, nakatanggap ng intelligence report ang mga awtoridad hinggil sa illegal na aktibidad ng mga suspek na nangha-hijack ng mga kargamento sa mga pangunahing lansangan ng nasabing lalawigan. Nang maispatan umano ang mga suspek at akmang sisitahin na ang mga ito ng mga pulis ay agad silang pinagbabaril sanhi ng palitan ng putok sanhi ng pagtimbuwang sa anim na mga suspek. (Joy Cantos)