7 kadete gulpi-sarado sa 2 pulis

CAMP CRAME – Pitong kadete ang napaulat na nasa kritikal na kalagayan makaraang magtamo ng mga sugat sa katawan nang mapagtripang hatawin ng scabbard at baseball bat ng dalawang pulis na nagsusuperbisa sa pagsasanay sa kanilang barracks sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang isa sa pitong biktima na si 2nd Class Cadet Exsur Retalado, 23, kabilang sa mga kadete ng PNPA na nakabase sa Camp General Mariano Castañeda, Silang, Cavite.

Batay sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Arturo Lomibao, kasalukuyan namang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang dalawang suspek na sina P/Senior Inspector Maharlika Villasis at P/Inspector Elaine Sumagaysay Villasis, kapwa trainor ng mga biktima na nakatalaga sa tanggapan ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa Gil Puyat Avenue, Makati City.

Nabatid sa imbestigasyon na naghahapunan ang mga biktima nang pumasok ang dalawang suspek na pulis at nang makita ang mga kadete ay agad na pinai-squat na nakapatong ang dalawang paa sa isang upuan habang ang kamay ay nakatuntong naman sa isa pang upuan.

Habang nasa naturang posisyon ay agad na hinataw ang mga kadete ng scabbard at baseball bat sa iba’t ibang bahagi ng katawan bunsod upang isugod ang mga ito sa ospital. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong serious physical injury laban sa mga suspek (Joy Cantos)

Show comments