Intel officer ng pulis, nilikida

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang police intelligence officer sa bayan ng Ragay ang iniulat na pinaslang matapos na pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bahagi ng Barangay Poblacion Iraya, Ragay, Camarines Sur, kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo ang biktimang si SPO1 Edgar Lambarte na niratrat dakong alas-7:30 ng gabi habang nakatayo sa terminal ng bus sa nabanggit na barangay. Ayon sa ulat tinangay ng mga rebelde ang service firearm ng biktima maging ang pitaka nito bago tumakas patungo sa direksyon ng Barangay Lower, Sta Cruz ng nasabing bayan. Posibleng natunugan ng mga rebelde na may minomonitor ang biktima sa nasabing lugar kaya isinagawa ang paglikida. (Ed Casulla)

Show comments