Wanted dedo sa bakbakan

LEGAZPI CITY – Napatay sa pakikipagbarilin sa mga tauhan ng pulisya ang isang wanted person makaraang manlaban habang isinisilbi ang warrant of arrest sa Barangay Salog, Sorsogon City, kamakalawa ng umaga.

Nakilala ang napatay na si Joseph "Totep" Refermoso na sangkot sa serye ng nakawan at pagpatay kaya inisyuhan ng warrant of arrest ni Judge Boamerges Condolea ng Sorsogon Regional Trial Court, Branch 53.

Sa ulat ni P/ Senior Supt. Joel Regondola, Sorsogon provincial director, ganap na alas-9 ng umaga nang isilbi ang warrant of arrest ng mga tauhan ng 508th Police Provincial Mobile group, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at lokal na pulis-Sorsogon.

Kasama sa aarestuhin ng pulisya ay ang dalawa pang kasamahan ni Refermoso na sina Ernesto Castillo at Dodong Gualin, subalit nagkataon wala ang dalawa.

Imbes na sumuko si Refermoso sa mga awtoridad ay biglang nagpaputok ng baril kaya napilitang gumanti ang pulisya na tumagal ng ilang minuto hanggang sa mapatay ang pakay na most wanted.

Narekober sa kinaganapan ng insidente ay isang baril, granada at isang matalim na itak. (Ed Casulla)

Show comments