Ayon kay Brig. Gen. Alexander Aleo, top military officer sa Jolo, naganap ang insidente dakong alas-6:20 ng gabi habang nag-iinuman ng alak ang mga biktima sa loob ng V-Mar Place videoke bar na malapit sa gate ng Camp Teofilo Bautista kung saan ang US troops ay nagkakampo.
Napag-alamang inilagay sa loob ng palikuran ang bombang gawa sa ammonium nitrate na may timing device.
Kinilala ang biktimang nasawi na si Domingo de Leon Jr., maintenance/driver ng Balikatan at residente ng Trece Martirez City, Cavite
Ayon naman kay Army Spokesman Major Bartolome Bacarro, bagaman may suspetsa ang militar na ang pagpapasabog ay kagagawan ng mga bandidong Abu Sayyaf, sinisilip din ang anggulong matinding alitan ng magkalabang grupo ng kalalakihan ang isa sa pinaniniwalaang motibo ng insidente.
Wala naman nasawi o nasugatan sa tropa ng sundalong Kano, ayon naman sa pahayag ni Lt. Col. Mark Zimmer, Spokesman ng US contingents sa Jolo.
Nabatid na ang pagpapasabog ay itinaon sa pag-welcome ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa 250 pang US troops na lalahok sa "Balikatan," taunang RP-US joint military exercise sa Jolo, Sulu. (Joy Cantos )