Engkuwentro: 11 NPA rebs, 1 kawal todas

CAMP AGUINALDO – Umaabot sa labing-isang rebeldeng New People’s Army (NPA) at isang kawal ng Phil. Army ang iniulat na napaslang makaraang sumiklab ang madugong sagupaan sa pagitan ng tropa ng militar at makakaliwang kilusan sa magkahiwalay na bahagi ng Quezon at Leyte, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ni Army’s Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Pedro Cabuay Jr., naganap ang strike operations ng militar sa bahagi ng Bondoc Peninsula na sakop ng Barangay Magsaysay sa bayan ng Malunay, Quezon simula nitong nakalipas na dalawang araw at inaasahang tataas pa ang bilang ng mga napatay habang patuloy na sinusuyod ang nasabing kabundukan.

Sa kasalukuyan ay patuloy na nagsasagawa ng opensiba ang militar laban sa mga rebelde na naghuhulog ng bomba partikular na sa bahagi ng Barangay Burgos, Magsaysay at Anonang sa bayang nabanggit.

Nabatid na nag-umpisa ang sagupaan matapos na magpang-abot ang puwersa ng Army’s 74th Infantry Battalion (IB) na pinamumunuan ni Lt. Col. Amado Bustillos at ang mga rebelde sa ilalim ng Platton Guerilla Magtanggol nito pang nakalipas na Martes sa bahagi ng Barangay Bangi sa bayan ng San Narciso, Quezon.

Dakong alas-9 ng umaga naman nang makasagupa ng militar ang grupo ng mga rebelde sa liblib na Barangay Burgos sa bayan ng Catanauan kung saan ay umabot sa iba pang bayan na nasasaklaw ng Bondoc Peninsula.

Samantala, dalawang bangkay rin ng mga napatay na rebelde ang narekober matapos tabunan ng damo ng mga nagsitakas na rebelde sa Barangay Tagbakan Ilaya sa bayan ng Catanauan.

Nag-deploy na rin ng karagdagang puwersa ng militar sa nasabing lugar kung saan nagsisipagtago ang puwersa ng mga rebeldeng komunista.

Kasunod nito, isa pang ‘di nakilalang rebeldeng NPA at isang sundalo ng Phil. Army ang napatay sa engkuwentro matapos na magsagupa ang tropa ng 43rd Infantry Battalion (IB) at grupo ng makakaliwang kilusan sa Barangay Ulanan, Hilongos, Leyte bandang alas-8:20 ng umaga kamakalawa.

Show comments