Misis nakaladkad, patay

– Isang 23-anyos na misis ang iniulat na nasawi makaraang makaladkad ng sasakyan habang papasakay ng bus sa kahabaan ng Soriano Highway sa Barangay Calibuyo sa bayan ng Tanza, Cavite kamakalawa. Naisugod pa sa ospital, subalit hindi na umabot ng buhay si Sheila Santos ng nabanggit na barangay, samantalang sumuko naman ang drayber ng sasakyan (NXF-928) na si Chito Cadayuna ng Barangay Langkaan, Dasmariñas, Cavite. Sa imbestigasyon ni PO1 Neil Morano, naitala ang sakuna dakong alas-2 ng hapon matapos dumaan sa gilid ng bus ang sasakyan ni Cadayuna kung saan papasakay ang biktima kaya nahagip at nakaladkad. Samantala, may tatlo pang sibilyan ang nasugatan sa naganap na sakuna at dinala sa iba’t ibang ospital, subalit hindi nabatid ang pagkikilanlan. (Cristina Timbang)
Ex-NPA rebs nilikida ng kabaro
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 49-anyos na dating rebeldeng New People’s Army (NPA) ng kanyang kabaro habang nag-aalmusal ang biktima, kasama ang pamilya sa Sitio Alwang, Barangay Panaytayan sa bayan ng Ragay, Camarines Sur, kamakalawa. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Oscar Alcantara, miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (Cafgu). Ayon sa ulat ng pulisya, ganap na alas-5 ng umaga nang pasukin ang bahay ng biktima ng ilang rebeldeng NPA. Nagkataon naman magkakasamang nag-aalmusal ang biktima, kasama ang asawa’t anak nang mamataan ng mga rebelde hanggang sa puntiryahin at duguang bumulagta. Napag-alamang may ilang taon na rin tumiwalag ang biktima sa grupo ng makakaliwang kilusan bago sumapi sa Cafgu. (Ed Casulla)
Saleslady pinag-shabu saka hinalay
CAMP OLIVAS, Pampanga – Luhaang dumulog kahapon sa himpilan ng pulisya ang isang 25-anyos na saleslady ng SM Pampanga upang ireklamo ang isang manager ng kompanya sa Angeles City na pinagamit muna ng shabu ang biktima saka hinalay sa loob ng hotel sa nabanggit na bayan. Ang biktimang nagsampa ng kasong rape ay itinago sa pangalang Olive, tubong Nueva Ecija at residente ng Barangay Lagundi sa bayan ng Mexico, Pampanga. Samantala, nakalalaya naman ang suspek na si Roberto Ponce Gomez Jr. ng Balibago, Angeles City. Ayon sa ulat, naghihintay ng sasakyan ang biktima sa bahagi ng San Fernando City nang huminto ang Honda CRV (CYJ 994) ng suspek. Dahil sa pakiusap ng suspek ay nahikayat naman ang biktima na sumakay at ihahatid na lamang sa trabaho hanggang sa ituloy ang sasakyan sa compound ng hotel, ayon pa sa ulat. Sa hindi nabatid na dahilan ay naisagawa ang maitim na balak ng suspek hanggang sa makatakas ang biktima at nagtuloy sa pulisya. (Resty Salvador)

Show comments