1 patay, 2 sugatan sa road mishap

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija – Isa ang kumpirmadong patay, habang dalawa pa ang sugatan makaraang salpukin ng isang sasakyan ang kasalubong na dalawang scooter sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Abar 1st sa nabanggit na lungsod kamakalawa ng umaga.

Ayon sa pulisya, agad na nasawi si Jumar Abad y Hipolito, 18, ng Pascual St., Barangay Fe Marcos District na drayber ng unang scooter (OH-5106) habang ginagamot naman sa Heart of Jesus Hospital, ang sugatang kaangkas ni Abad na si Brunswick Cayetano, 20, ng Barangay Rafael Ueda Sr., at ang drayber ng isa pang scooter (RI-9453) na si Michael Adonay, 19, ng Christian Ville Subd., Abar 1st.

Samantala, sumuko naman sa pulisya ang drayber ng nakabundol na Nissan Pickup (WNA-419) na si Jimmy Padillo, 49, ng #1244 Maharlika Highway, Barangay Abar 1st, San Jose City. Sa imbestigasyon, nabatid na dakong alas-10:30 ng umaga kamakalawa, kapwa patungo ang dalawang scooter sa city proper nang mabundol ng sasakyan ni Padillo.

Napag-alamang biglang lumiko sa kaliwa ang pickup at nabundol nito ang mga sasakyang nasa kabilang lane na ikinawasak ng dalawang scooter at unahang bahagi ng sasakyan ng suspek.

Kasong reckless imprudence resulting to homicide and double physical injuries ang isinampang kaso laban sa drayber na si Padillo. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments