Suspek sa P14-M robbery, tiklo

CAVITE — Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isa sa mga suspek sa P14-milyong payroll robbery noong nakalipas na linggo makaraang masakote ang una sa Barangay Ligtong sa bayan ng Noveleta, Cavite kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang suspek na si Jonathan Trias, 34, may-ari ng Kokyu Bar at residente ng Greenfield Bagbag sa bayan ng Rosario, Cavite. Ayon kay SPO4 Joel Palmares, nasakote ang suspek dakong alas-7:00 ng gabi habang naglalakad mula sa sabungan.

Positibo namang kinilala ng dalawang sikyu ng NeoMax 2 San Technology ang suspek na nakasuot pa ng uniporme ng pulis nang tangayin ang nasabing halaga ng payroll noong Enero 25, 2006. Positibo ring namataan ng mga residente ang suspek na may dalang mga kahon na inililipat sa van bago umalis ng nabanggit na barangay. (Cristina Timbang)

Show comments