‘Pacman’ tulungan mo kami!

ISABELA – Pacquiao, maawa ka, tulungan mo kami dito.

Ito ang nagkakaisang sigaw ng mga residente rito, habang nag-uumapaw ang kaligayahan na nadarama ni Manny "Pacman" Pacquiao nang makita ang maiinit na pagsalubong ng mga tao sa kanya sa Maynila kamakalawa kasabay naman ng nag-umaapaw na lungkot na nadarama ng mga biktima ng baha sa lalawigan at sa Cagayan matapos lunurin ng tubig-baha ang kanilang tirahan at pananim.

Ayon sa ilang mga residente ng Cabagan at San Pablo, Isabela na halos magdamag at maghapong nasa gitna ng kalsada dahil sa walang masilungan, hindi na nila alam kung kanino sila lalapit at magpapatulong. Kung paano sila babangon at magsisimula ngayong tinangay ng baha ang kanilang mga pananim na bumubuhay sa kanila.

Ayon kay Mang Ador at ilang kasamahan nito, hindi nila matiyak kung may matatanggap sila mula sa gobyerno sa dami ng mga biktima ng baha kung kaya’t kanilang ipinaabot sa kanilang idolo na si Pacman na tulungan sila upang matikman din ang biyaya at gantimpala sa kanyang tagumpay.

"Nananawagan sana kami sa aming idol na si Manny na tulungan kaming mga biktima ng baha, alam namin na makabayan siya at handang tumulong ayon na rin sa kanyang mga pahayag sa mga telebisyon at pahayagan kung kaya’t sa kanya na lang kami magpapasaklolo kung maari," ayon sa isang tagahanga ni Pacman

Ayon naman kay Gng. Bautista, may bahay ni Mayor Arnold Bautista ng Taumauini, Isabela, kung sakaling magbibigay ng tulong ang kampeon ng Pilipinas sa larangan ng boxing ay magiging malaking tulong ito hindi lamang sa mga biktima ng baha kundi pati na sa kasalukuyang gobyerno.

Matatandaan na nilunod din ng tubig baha ang lalawigan ng Cagayan at Isabela at nawasak ang mahigit sa P1.5 bilyong halaga ng mga pananim nitong Disyembre kasunod naman nito ng pagbibigay ni Pangulong Arroyo ng P40 milyon noong Disyembre 30, 2005, subalit hindi pa man nakakarating sa mga biktima ang nasabing tulong ay na-triple naman ang delubyo na kanilang naranasan sa ngayon dahil sa matinding pinsala na dulot ng malawakang pagbaha.

Sa ngayon ay inaalam ng mga iba’t ibang local na pamahalaan at iba pang ahensiya ang kabuuang pinsala habang unti-unti namang humuhupa ang tubig baha na nagdulot ng matinding hinagpis sa mga residente rito.

Nagpahayag na rin ang lokal na pamahalaan na posibleng ibigay sa mga apektadong magsasaka ang kanilang puhunan o binhi bilang kapalit ng kanilang mga napinsalang pananim. (Victor Martin)

Show comments