2 bebot ginahasa, kinatay

CAVITE Dalawang ‘di pa kilalang babae na hinihinalang ginahasa muna bago pinatay saka inihulog sa isang 20 talampakang lalim ng balon ang natagpuan sa boundary ng Brgy.Paliparan at Brgy Salawag, Dasmariñas, lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang bangkay ng babae. Ang isa ay tinatayang nagkaka-edad ng 20-25, may taas na 5’2’’ hanggang 5’3’’, may magandang pangangatawan habang ang pangalawang biktima ay nasa 30-35 anyos, may taas na 5’2’’-5’3’’, medyo mataba ang pangangatawan.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO1 Antonio Gutierrez at PO2 Berna Camarce, may hawak ng kaso, ganap na alas-2:16 ng hapon nang makatanggap sila ng tawag sa telepono hinggil sa pagkakatuklas sa dalawang bangkay ng babae sa loob ng balon na nasa loob ng quarry site sa nasabing lugar.

Base sa pagsusuri, ang unang biktima ay may 14 na saksak sa katawan habang ang pangalawang biktima ay tatlo ang tinamong saksak. Hindi naman kilala ng mga residente dito ang dalawang biktima kung kaya malaki ang hinala ng pulisya na itinapon lamang sa nasabing balon ang mga ito matapos na patayin.

Agad namang ipina-awtopsiya ng pulisya ang mga ito upang alamin kung ginahasa ang dalawa bago pinatay.

Malaki ang paniniwala ng pulisya na isinagawa ang krimen sa ibang lugar at dito lamang itinapon upang mailigaw ang isasagawang pag-iimbestiga ng pulisya.

Ang mga labi ng mga biktima ay dinala sa St. Vincent Funeral Homes. Patuloy naman ang isinasagawang follow up ng pulisya sa nasabing insidente.

Show comments