Governor, bodyguard kinasuhan ng pambubugbog

Kinasuhan kahapon sa Office of the Ombudsman ng isang opisyal ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) sina Camarines Norte Gov. Jesus Typoco Jr. at bodyguard nitong si Boy Reyes dahil sa pambubugbog.

Ayon sa sinumpaang-salaysay ni Sherwin Asis, station manager ng DZMD-PBN at pangulo ng KBP-Camarines Norte chapter, dakong alas-9:45 ng gabi noong Disyembre 12 ng magkita sina nina Gov. Typoco at bodyguard nito sa harap ng Music theater 3 sa Central Plaza, Lag-on Daet.

Bigla umano siyang kinompronta at pinagsabihan ng masasakit na salita ni Gov. Typoco dahil sa ginagawa niyang pagbatikos sa gobernador ng lalawigan sa kanyang radio program.

Nang tangka niyang kausapin at lapitan ang gobernador na sumakay sa sasakyan nito ay sinapak siya ni Reyes saka mabilis na umalis ang sasakyan ng gobernador.

Kinondena ng mga mamamahayag ang ginawang pananakot at pananakit ng gobernador at bodyguard nito hindi lamang kay Asis kundi sa iba pang media practitioners na nagbubunyag na anomalya sa lalawigan.

Show comments