9 katao durog sa killer trak

CAMP CRAME – Malagim na kamatayan ang sinapit ng siyam-katao, samantalang tatlo naman ang nasa malubhang kalagayan makaraang salpukin ng isang humahagibis na international trailer truck ang kasalubong nitong Isuzu elf truck sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Urayong sa bayan ng Bauang, La Union kamakalawa.

Kabilang sa nasawing biktima na lulan ng Isuzu truck ay nakilalang sina Alvin Prado, 13; kapatid nitong si Wilbert, 23; at Isagani, 25; ina nilang si Nida, 44; Michael James Prado, 7; Lester Joy Prado, 13; Dexter Lopez, Lito Espiritu, 43, pawang naninirahan sa Barangay Tandoc ng San Carlos City, Pangasinan; at Danilo Bandong, drayber ng Isuzu elf, at residente ng Bolingit, San Carlos City.

Ginagamot naman sa Ilocos Training Hospital and Medical Center sa San Fernando City, La Union ang mga sugatang biktimang sina Joey Prado, 16; at Noemi Prado, kapwa sakay ng Isuzu elf; at Roberto Lazo, drayber ng trailer truck, ng Balbalungao Village sa bayan ng Lupao, Nueva Ecija.

Sa imbestigasyon ni PO2 Jun Nisperos ng Bauang PNP, nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng trailer truck matapos na sumabog ang unahang gulong ng sasakyan.

Bunsod nito, tuluy-tuloy na sumalpok ang trailer truck sa kasalubong nitong Isuzu truck at dahil sa lakas ng pagkakabangga ay minalas pang sumalpok sa isang malaking puno ng sampalok.

Napag-alamang walang iniulat na nasugatan sa loob ng isang bahay na sinalpok din ng trailer truck.

Patuloy na sinisiyasat ng pulisya ang naganap na road mishap. (Joy Cantos)

Show comments