Clan war: 4 patay

CAMP CRAME – Apat na miyembro ng isang pamilya ang kumpirmadong nasawi habang anim naman ang nasugatan makaraang magsalubong ang dalawang magkalabang angkan na nauwi sa barilan sa bayan ng Bongao sa Tawi-Tawi, ayon sa ulat kahapon.

Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat, naitala ang madugong sagupaan dakong alas-12:30 ng hapon matapos magbarilan ang grupo ng angkan nina Majiid Jalil at isang tinukoy lamang mula sa angkan ng mga Agor sa nabanggit na bayan.

Napag-alamang kontrobersyal na magkaaway na mortal ang angkan ng mga Jalil at Agor may ilang dekada na ang nakakaraan at sa tuwing magpapang-abot ay halos mag-ubusan ng lahi.

Sa hindi nabatid na dahilan ay muling nagkasalubong sa nasabing bayan ang magkalabang angkan hanggang sa magkabarilan.

Nabatid na tumagal ang bagbakan ng ilang oras hanggang sa mapawi ang usok ay duguang nakabulagta ang apat habang anim naman ang nasugatan mula sa angkan ng mga Agor.

Mabilis namang nagsitakas ang mga armadong lalaki mula sa angkan ng mga Jalil patungo sa kanilang balwarteng lugar sa nabanggit na lalawigan.

Kaugnay nito, upang maiwasan na muling magsagupa ang dalawang angkan ay nakikipagnegosasyon na ang provincial director ng Tawi-Tawi Provincial Police Office (PPO) at ang lokal na pamahalaan kasama ang tropa ng Philippine Marines at pulisya para maipatupad ang ceasefire at mapairal ang seguridad sa lalawigan. (Joy Cantos)

Show comments