2005 na sagupaan: 3,000 sundalo at rebelde napatay

CAMP CRAME – Umaabot sa 3,000 sundalo ng militar at rebelde ang napaslang sa naitalang 1,455 mula sa madugong sagupaan ng Armed Forces of the Philippines laban sa kaaway ng bansa sa loob ng 2005.

Base sa rekord ng AFP, may kabuuang 2,838 ang napatay, 723 sa mga ito ay pawang sundalo, habang umaabot naman sa 1,810 rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasawi, sumunod naman ang grupo ng Abu Sayyaf na may kabuuang 171, habang 118 sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at 16 sa grupo ng Misuari Breakaway Group (MBG).

Pinakamalaking nalagas sa tropa ng miltar ay mula sa sagupaan laban sa mga rebeldeng NPA kung saan naitala ang 458 sundalo ang napatay, habang 181 namang kawal laban sa Abu Sayyaf Group, 68 sa grupo ng Misuari at 16 na sundalo sa MILF breakaway.

Nabatid na aabot sa 575 na armas ang nasamsam ng militar, subalit nawalan naman ng 168 na baril sa pakikipaglaban sa mga rebelde.

Pinakamaraming bilang ng sagupaan ang naitala laban sa NPA na umaabot sa 1,254, sumunod naman ang ASG na may 123, habang sa MILF at 51 at 26 sagupaan naman sa MBG.

Ayon sa ulat, pinakamalaking pinsala ng AFP ay ang pakikipagsagupaan sa NPA noong Nobyembre 18 sa bayan ng Calinog, Iloilo kung saan siyam na sundalo ang nasawi habang 20 naman ang sugatan.

Sa pinagsanib na puwersa ng ASG at MBG, umaabot sa 20 sundalo ang napaslang habang 50 naman sa panig ng mga kalaban. (Joy Cantos)

Show comments