10 mangingisda nilamon ng dagat

KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City – Sampung mangingisda ang iniulat na nawawala, habang dalawa naman ang nakaligtas makaraang lumubog ang bangka ng mga biktima sa karagatang sakop ng Bicol, kamakalawa ng hapon.

Kabilang sa mga biktimang pinaghahanap ng mga tauhan ng Phil. Coast Guard sa tulong ng Provincial Disaster and Coordinating Council ay nakilalang sina Dante Borcales, Bersal Bonion, Macky Adam, Zaldy Labarro, Dadong Dangkulas, Junior Ayson, Ben Espinoza, at ang tatlong nakilala lamang sa pangalang Macky, Lando at Sammy.

Nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan sina Hector Pecta at Samuel Senilla kaya naipagbigay-alam sa kinauukulan ang insidente.

Ayon kay P/Chief Supt. Victor Boco, hepe ng pulisya sa Kabikulan, ang mga biktima ay lulan ng F/B Angelica na pag-aari ng isang negosyanteng si Raul Hernandez.

Napag-alamang hinampas ng malaking alon ang bangka ng mga biktima habang naglalayag sa karagatan ng Sulong Bay sa Calaguas Island, Vinzon at San Miguel Bay sa Mercedes, Camarines Norte.

Nagtalunan sa tubig ang mga biktima hanggang sa lamunin ng dagat, subalit sina Pecta Senilla ay nakalangoy sa baybay-dagat.

May ilang oras ding sinuyod ng mga rescue team ang karagatan, subalit walang palatandaan na lumutang ang mga biktimang nawawala na pinaniniwalaan na nalunod.

Dahil sa masamang panahon sa nabanggit na karagatan ay pansamantalang itinigil ng mga rescue team ang paghahanap. (Ed Casulla)

Show comments