Jailguard minartilyo ng preso

CANDELARIA, Quezon – Basag ang ulo at namatay ang isang jailguard matapos na ito ay martilyuhin ng isang preso saka tumakas, kamakalawa ng madaling-araw sa Barangay Poblacion, Candelaria, Quezon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si JO3 Melchor Garcia, 31, may-asawa at residente ng Lucena City.

Tugis ng pulisya ang suspek na si Joven Avina, 31, ng Barangay Pahinga Norte, Candelaria at nakakulong sa Municipal Jail dahil sa kasong paglabag sa R.A. 8294.

Batay sa imbestigasyon, bandang alas-11:30 ng gabi noong bisperas ng Pasko ay tumawag sa police headquarters si SPO2 Tirso Acleta upang i-turn over ang nasakote nilang snatcher, subalit walang sumasagot sa telepono.

Nang puntahan ng mga pulis ang Municipal jail ay tumambad sa kanila ang duguan at walang buhay na katawan ng jailguard sa selda ng mga babae.

Sa salaysay ng ibang preso ay binanggit nila na ang suspek ay "trustee" at pinagluto ng pagkain ng biktima para sa noche buena.

Napag-alamang habang nanonood ng TV ang biktima ay pinukpok sa ulo ng martilyo ng suspek at nang mawalan ng malay ay hinila patungo sa selda ng mga babae at doon ay tinuluyang paslangin.

Tinangay ng suspek sa kanyang pagtakas ang kalibre 45 at wallet ng biktima saka tinutukan ang ibang preso at pinalakasan ang tunog ng TV upang dito mabaling ang atensyon ng mga tao. (Tony Sandoval at may dagdag ulat nina Arnell Ozaeta at Joy Cantos)

Show comments