Ayon sa report kahapon ng tanggapan ni Dr. Anthony Golez Jr., Deputy Administrator ng Office of Civil Defense (OCD), umaabot sa 15,000 pamilya o kabuuang 88,000 katao ang inilikas mula sa Calapan City, Oriental Mindoro sanhi ng rumagasang tubig baha umpisa nitong Sabado dulot ng malalakas na pag-ulan.
Maliban sa 20 barangay na sinalanta ng flashflood sa Calapan City kabilang pa sa mga binahang lugar sa Oriental Mindoro ay ang mga mabababang lugar sa mga bayan ng Baco, Naujan, Socorro, Pola at Victoria.
Nabatid na umapaw ang ilog sa Calapan City bunsod ng sunud-sunod na namang malalakas na pagbuhos ng ulan nitong nakalipas na mga araw.
"We need more help because we were under water for seven days last week and had only a two-day respite", ani Mayor Carlos Brucal.
Magugunita na kamakailan lamang ay lumubog sa malawakang tubig baha ang Calapan City at mga karatig nitong bayan matapos mawasak ang dalawang dike sa lalawigan.
Iniulat rin ng NDCC na may 1,635 pamilya o kabuuang 9,522 katao ang naapektuhan ng flashflood sa Camarines Sur at Sorsogon.
Samantalang dumanas rin ng flashflood ang kapitolyo ng Kalibo, Malay, Buranga at Banga sa lalawigan ng Aklan at ang mga bayan ng Calinog, Januay, Lanunuc at Dingla na nakaapekto sa 11,587 pamilya o kabuuang 66,000 katao.