Base sa impormasyon, ang mga biktima, kabilang na ang limang buntis na guro ay nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagsusuka na pinaniniwalaang dulot ng kontaminadong pagkain na inihanda sa ginanap na pagpupulong.
Ayon sa ulat, may 44 na guro na ang ginagamot sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital, 21 sa Tanchuling Hospital, 14 sa Aquinas Hospital, 11-guro naman sa Amec Hospital at tatlo sa Sta. Teresita Hospital.
Napag-alaman na maging kahapon ng umaga ay may mga guro mula sa ibat ibang eskuwelahan na nagtutungo sa mga nabanggit na ospital dahil sa pananakit at pagsusuka na pinaniniwalaang may kaugnayan din sa kinaing chopsuey sa naturang okasyon.
Nabatid na ang mga pagkaing inihanda sa nasabing pagpupulong ay niluto ng dating principal sa hindi binanggit na eskuwelahan na kasalukuyan ding ginagamot sa isa sa nabanggit na ospital dahil sa pagkalason.
Sa pahayag ni Dr. Butch Rivera ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital, ang karamdaman ng mga biktima ay posibleng mauwi sa dehydration kaya inoobserbahan at binigyan na ng kaukulang gamot.
Sa kasalukuyan ay masusing sinisiyasat ng mga health official kung may kinalaman sa mga pagkaing inihanda sa nabanggit na pagpupulong ang naging sanhi ng karamdaman ng mga biktima. (Ed Casulla)