Trader itinumba sa sariling apartment

CAVITE – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 35-anyos na trader ng dalawang hindi kilalang lalaki sa naganap na karahasan sa bahagi ng Barangay Niog 1 sa bayan ng Bacoor, Cavite, kamakalawa ng hapon. Apat na bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Anthony Logronio ng #026 Monday Street sa St. Joseph Village ng nabanggit na barangay. Lumilitaw sa pagsisiyasat ni PO2 Ernesto Caparas na nagtungo ang mga suspek sa pag-aaring apartment ng biktima upang mangupahan. Sinamahan naman ng biktima ang dalawang lalaki at ilang minuto pa lamang nakapag-uusap ay biglang umalingawngaw na ang sunud-sunod na putok ng baril at duguang bumulagta ang biktima. (Cristina Timbang)

Show comments