Hindi na naisugod sa ospital ang biktimang si Jose Pepe Manegdeg, 39, na kasapi rin ng party-list Bayan Muna at residente ng Bakakeng, Baguio City.
Ayon kay P/Senior Supt. Tolentino Regis, provincial director, naitala ang krimen dakong alas-11:20 ng gabi sa bisinidad ng Sitio Bigbiga sa nabanggit na barangay.
Ang biktima ay naimbitahan ni Billy Austin, coordinator naman ng Church People Response bilang speaker sa pagpupulong na ginanap sa Ursua Beach Resort sa Barangay Apatol ng nabanggit na bayan.
Pasado alas-11 ng gabi nang magpaalam na ang biktima kay Austin na isang Aleman saka sumakay ng traysikel ni Fenio Caceres at nagpahatid sa sakayan ng pampasaherong bus.
Napag-alamang habang naghihintay ng masasakyan ay biglang dumating ang isang van at pagtapat sa biktima ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng malalakas na kalibre ng baril na ikinasawi ni Manegdeg habang nagawa namang makatakbo ng traysikel drayber na naghatid dito sa takot na madamay sa insidente.
Kaugnay nito, isang indignation rally ang inaasahang isasagawa ng mga miyembro ng Bayan Muna upang kondenahin ang pagkakapaslang kay Manegdeg. Sinabi ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na nakapagtatakang ipinagwawalang bahala ng pamahalaan ang insidente laban sa mga kasapi ng nabanggit na grupo at umaabot na sa 146 na aktibistang ang napapaslang simula nang maupo bilang Pangulo si Arroyo noong 2001.
Samantala, bumuo na ng Task Force Manegdeg si Regis sa pamumuno ni P/Supr. Crispin Agno, deputy ng Ilocos Sur PPO upang resolbahin ang pamamaslang sa biktima. (Joy Cantos, Malou Rongalerios at Artemio Dumlao)