86-anyos kinatay ng ampon

BULACAN Brutal ang pagkasawi ng isang 86-anyos na lola matapos na pagsasaksakin ng umano’y kanyang anak-anakang adik ay itinago pa ang bangkay nito sa loob ng isang kabinet sa kusina ng kanyang bahay sa bayan ng Calumpit, ng lalawigang ito.

Masangsang na ang amoy at naagnas na ang katawan ng biktima na kinilalang si Pacencia Estrella Vda. De Torres nang makita ito sa loob ng cabinet habang nababalutan ng kumot.

Bukod sa nakitang mga tama ng patalim sa katawan ay nakitaan din ng isang tama sa ulo ang lola mula sa isang matigas na bagay na hinihinalang ipinalo sa ulo nito. Tinatayang may limang araw na itong nakasilid sa loob ng kitchen cabinet.

Isa namang manhunt operation ang isinasagawa ng pulisya matapos na matukoy ang suspek sa krimen na si Mark Anthony Tongco, 22, binata, anak-anakan at kasambahay ng biktima at isa umanong drug addict.

Ayon kay P/Chief Inspector Prudencio Legaspi, hepe ng pulisya dito, dakong alas-6:30 ng umaga nang matuklasan ang krimen matapos na umalingasaw sa kapitbahay ang mabahong amoy ng bangkay ng lola nang magsimulang maagnas ito.

Nakita naman ng mga nagrespondeng pulis sa loob ng bahay ng biktima ang nagkalat na kagamitan upang lumabas ang anggulo na pagnanakaw ang sanhi ng krimen.

Posible umanong kilala ng biktima ang suspek na may kasama pang iba kaya pinatay na lang ito dahil na rin sa sobrang gulo ng kabahayan nang iwan ng mga ito.

Show comments